Mula kahapon hanggang kaninang madaling araw, nakapagtala ng 13 volcanic earthquake ang Bulkang Kanlaon sa Negros Island.
Bukod dito, nagbuga pa ito ng 2,578 toneladang sulfur dioxide at katamtamang pagsingaw na aabot sa 200 metro ang taas na napadpad sa Timog-Kanluran at Hilagang bahagi ng bulkan.
Batay sa monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), nananatili pa rin ang pamamaga ng bulkan na palatandaang hindi pa kumakalma ang kondisyon nito.
Nakataas pa rin ang alert level 2 dito at mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa 4-kilometer radius permanent danger zone.
Hindi isinasantabi ng PHIVOLCS ang posibilidad na maulit pa ang biglang steam o phreatic explosions sa bulkan. | ulat ni Rey Ferrer