Umaapela ang Federation of Pilipino Industries (FPI) sa pamahalaan na mas lalo pang palakasin ang kampanya laban sa smuggling.
Ito ang nilalaman ng kauna-unahang National Anti-Ellicit Summit Trade na ginawa ng FPI sa Manila Hotel ngayong araw.
Ayon kay Chair Jesus Aranza, ₱250-billion ang nawawala sa tax collection kada taon dahil sa smuggling.
Bukod pa ito sa nawawalang bilang ng mga negosyo at trabaho na nagiging sanhi ng pagbagsak ng kanilang industriya.
Inihalimbawa niya ang textile sector kung saan mula sa apat na kompanya ay isa na lamang daw ang operational dahil ang tatlo ay nagsara na matapos malugi.
Ang Palm Oil ay nag-iisa na lamang rin mula sa tatlong kompanya.
Aminado si Aranza na mayroon namang matibay na batas kontra smuggling ngunit nakukulangan sila sa implementasyon ng mga ahensya ng gobyerno tulad ng Bureau of Customs (BOC), Bureau of Standards, Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI), Bureau of Internal Revenue (BIR), Department of Justice (DOJ), Department of Finance (DOF), at iba pa.
Mayroon naman daw na mga nahuhuli at nakakasuhan na smugglers pero sobrang bagal na proseso sa mga korte at matagal bago maparusahan.
Umaasa ang FPI na pagkatapos ng summit ay magkakaroon ng isang komprohensibong pagkilos ang mga ahensya ng gobyerno upang tulungan ang kanilang sektor na maibangon mula sa mandaraya ng mga produkto. | ulat ni Mike Rogas