Bilang paghahanda para sa pagbubukas na taong panuruan 2024-2025, inilunsad ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang “Oplan Biyaheng Ayos: Balik Eskwela” na layong tiyakin ang maayos at episyenteng operasyon ng mga paliparan sa panahon ng pagbiyahe ng mga estudyante at magulang para sa Balik Eskwela.
Kaya naman para matugunan ang inaasahang pagtaas ng dami ng pasahero, nagdagdag ang CAAP ng mga tauhan nito at nagtayo ng mga assistance desk sa mga paliparan sa buong bansa. Nagsimula na ring mamahagi ng “Malasakit Kits” ang mga paliparan sa Zamboanga, Butuan, Surigao, Siargao, Tacloban, Catarman, Calbayog, Borongan, Pagadian, at Dipolog sa mga estudyante at kanilang mga pamilya.
Ang mga kit na ito ay naglalaman ng mahahalagang gamit sa paaralan tulad ng mga notebook, panulat, meryenda, at hand sanitizer upang magbigay ng karagdagang kaginhawahan at suporta sa mga manlalakbay.
Binibigyang-diin ng mga pagsisikap ng CAAP ang kanilang pagtutok sa pagbibigay ng ligtas at maayos na karanasan sa paglalakbay para sa publiko sa mga abalang panahon tulad ng Balik Eskwela.| ulat ni EJ Lazaro