Inaresto ng Regional Anti-Cybercrime Unit- Bangsamoro Autonomous Region (RACU-BAR) sa bisa ng arrest warrant ang isang call center agent na wanted sa 28 counts ng computer-related fraud sa Parang, Maguindanao.
Sa ulat ni PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) Director Police Brig. Gen. Ronnie Francis Cariaga kahapon, kinilala ang arestado na si alyas “King” na top 7 most wanted sa rehiyon.
Ang akuasado ay inireklamo ng kanyang employer na nameke umano ng mga “refund transaction” para sa mga “Apple products” na nagkakahalaga ng $7,878.98 o ₱460,500, mula sa computer ng kanyang kumpanya.
Ginawa umano niya ang “refund transaction” sa pamamagitan ng pag-tag sa mga order ng kliente na “Lost at Delivery (LAD),” sa kabila ng kanilang pagtanggap ng delivery.
Pinaalalahan naman ni Brig. Gen. Cariaga ang mga may kaalaman sa computer na gamitin sa tama at legal na paraan ang kanilang talento, dahil mabigat ang kaparusahan sa computer-related fraud. | ulat ni Leo Sarne