Nakataas na ang Red Alert sa buong Lungsod ng Caloocan dahil sa banta ng malalakas na pag-ulan at pagbahang dulot ng habagat at bagyong Carina.
Kasunod nito, nagpaalala si Mayor Along Malapitan sa mga magulang na huwag hayaang maglaro sa ulan at malapit sa creek o anumang anyong tubig ang mga anak upang maiwasan ang aksidente.
Matatandaang noong Hunyo ay isang bata ang nasawi sa lungsod matapos matangay ng rumaragasang tubig habang naglalaro sa ulan.
Kaugnay nito, inatasan na rin ang lahat ng opisyal ng barangay na maging alerto at mag-ikot sa mga nasasakupan upang bigyan ng babala ang mga residente sa posibleng pagbaha.
Para sa mga barangay na nakakasakop o mayroong malapit na creek o anumang anyong tubig, pinagtatalaga na rin ang mga ito ng mga tanod na magbabantay sa posibleng pag-apaw nito at magbabawal sa mga batang maglalaro malapit dito.
Hinimok rin ng alkalde ang lahat ng punong barangay na magbigay ng update sa pamahalaang lungsod partikular na sa City Disaster Risk Reduction ans Management Department (CDRRMD) hinggil sa kalagayan ng kanilang nasasakupan. | ulat ni Merry Ann Bastasa