Ipinanawagan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga tagapagtaguyod ng divorce sa bansa na “maghunosdili muna at mag-isip-isip” sa mga epekto ng panukala sa lipunan.
Sa dalawang pahinang Pastoral Letter na inilabas na nilagdaan ni CBCP President at Caloocan Bishop Fr. Pablo Virgilio David noong Huwebes pagkatapos ng ika-128 na Plenary Assembly nito, sinabi ng CBCP na hindi kailangang madaliin ang pagpasa ng panukala at dapat pagnilayan.
Dito binibigyang-diin ng CBCP na ayon sa mga turo ng Katolisismo, ang kasal ay isang sagradong pagsasama na hindi maaaring buwagin. Kanilang ipinaglalaban ang kabanalan ng kasal at binabalaan ang posibleng negatibong epekto sa lipunan ng legalisasyon ng diborsyo, kung saan binanggit nito ang statistics na mataas na marriage failure rate mula sa mga bansang legal ang diborsyo.
Hinihikayat din sa pahayag, ang mga mananampalatayang Pilipino na mag-isip nang mabuti at makilahok sa makatwirang pampublikong diskurso ukol sa isyung ito.
Kinikilala naman ng Simbahan ang pag-iral ng mga krisis sa pag-aasawa ngunit sinabi nito na dapat gamitin at i-maximize ang mga umiiral na legal na mga remedyo nang hindi ito mauwi sa civil divorce.
Sa nasabing pahayag din ay binanggit dito ang natatanging konstitusyonal na pagkilala sa pamilya bilang pundasyon ng bansa, sabay himok sa pamahalaan at mga mamamayan na protektahan at palakasin ang yunit na ito ng lipunan.
Sa kabilang banda, kinilala ng Simbahan na wala umanong ito sa posisyon na mag-utos sa Estado kung ano ang pinakamabuti para sa mga pamilyang Pilipino gayundin ang pagkilala nito sa paghihiwalay ng Simbahan at Estado.
Ayon sa Simbahan, bilang mga spiritual at moral leaders nito, maaari lamang umano silang magmungkahi ngunit hindi kailanman magdikta. Maaari lamang umano nitong hikayatin ang mga mananampalataya na aktibong makilahok sa makatuwirang pampublikong diskurso bilang mga mamamayan.
Sa pagtatapos, nananawagan ang CBCP para sa patuloy na diyalogo at pagpapanatili ng mga asal na sumusuporta sa kapakanan at katatagan ng mga pamilyang Pilipino.
Maaalala noong Mayo 22, inaprubahan ng House of Representatives ang Bill 9349, o ang Divorce Bill, sa ikatlo at huling pagbasa.
Ang nasabing panukalang batas ay ipinadala na sa Senado noong nakaraang buwan upang gumawa ng sariling bersyon nito. | ulat ni EJ Lazaro