Nahaharap ngayon ang isang Chinese national sa deportation charges matapos maaresto dahil sa overstaying sa Pilipinas.
Kinilala ang nasabing dayuhan na si Liu Yuhang, 32, matapos arestuhin ng mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) sa opisina ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame, Quezon City.
Si Liu ay una nang napabalita matapos maaresto sa Makati City noong Mayo dahil sa pagmamay-ari ng mga baril at hinihinalang hacking equipment, na maaring malaking banta umano sa seguridad.
Ayon kay BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan, Jr., nag-expire ang visa ni Liu noong Agosto 2022, na dumating noong Hulyo 2018, dahilan ng kanyang overstaying status sa kasalukuyan.
Binigyang-diin naman ni BI Commissioner Norman Tansingco ang kanilang pinalakas na koordinasyon sa iba pang ahensya sa pagpapatupad ng batas upang mahuli ang mga dayuhang nagdudulot ng banta sa seguridad.
Mananatili si Liu sa kustodiya ng BI sa Bicutan, Taguig habang hinihintay ang kanyang deportation proceedings. | ulat ni EJ Lazaro