Tuloy-tuloy ang isinasagawang clearing operation sa Lungsod ng Marikina na lubhang napinsala ng habagat at bagyong Carina.
Pinangunahan ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro ang puspusang paglilinis sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.
Katuwang ng lokal na pamahalaan ang mga ahensya ng pamahalaan, pribadong sektor, volunteer groups, at mga residente sa paglilinis at pagsasaayos ng mga apektadong lugar.
Ayon kay Mayor Teodoro, pinakamahalaga sa kanya ang kaligtasan ng bawat mamamayan at ang agarang pagsasaayos ng mga daan upang maibalik sa normal ang pamumuhay ng mga residente.
Gamit ang mga heavy equipment ng lungsod, inalis ang mga basura at putik na iniwan ng bagyo sa Barangay Malanday at Barangay Industrial Valley Complex.
Sa kasalukuyan, iniulat ni Mayor Teodoro na nasa 50% na ang natapos na paglilinis sa mga maputik na lugar sa Marikina sa loob ng limang araw. Tiniyak din ng alkalde na pagsisikapan nilang maisaayos ang mga paaralang naapektuhan ng bagyo sa susunod na linggo. | ulat ni Diane Lear