Inutusan na ni Commission on Elections (Comelec) Chairperson George Erwin Garcia ang kanilang Law Department na bumuo ng fact finding committee na mag-iimbestiga sa maaaring election offense ni suspended Bamban Tarlac Mayor Alice Guo sa ginawa nito sa kanyang certificate of candidacy (COC).
Sa kautusan ni Garcia, inatasan niya si Atty. Maria Norina Tangaro-Casingal, Director ng Law Department, na makipag-ugnayan sa National Bureau of Investigation, Office of Solicitor General at Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality para sa mga kaukulang dokumento.
Nais niyang tukuyin ng Comelec Law Department kung nagkaroon ng misrepresentation sa mga impormasyon na idineklara ni Mayor Guo sa kanyang COC noong 2022 elections.
Binigyan din nito ang law department na gumawa ng kanilang magiging rekomendasyon sa kalalabasan ng kanilang fact finding investigation.
Lahat ng mga nasuri at nakuhang ebidensya ay dapat isumite sa Commission En Banc para ito ang gagawa ng magiging desisyon. | ulat ni Michael Rogas