Inilunsad ng Commission on Election (COMELEC) ang isang task force bilang bahagi ng kanilang kampanya upang labanan ang mga disinformation at misinformation habang papalapit ang halalan sa 2025.
Tinawag ang nasabing kampanya na Task Force Katotohanan, Katapatan, at Katarungan (KKK) sa Halalan na inilunsad sa isang forum sa University of the Philippines College of Law kasama ng mga stakeholders sa consultation dialogue sa artificial intelligence (AI) sa halalan.
Pinangunahan nina Chairman George Erwin Garcia at iba pang mga komisyoner ang nasabing kaganapan kung saan nagtipon ang mga pangunahing election officials, eksperto sa AI, at mga grupo ng civil society upang talakayin ang mga hamon na dulot ng maling impormasyon at mga malicious actor sa digital landscape.
Layunin ng task force na subaybayan at i-regulate ang mga content na may kaugnayan sa halalan sa iba’t ibang media platforms, gayundin ang pagsasagawa ng voter education, at i-report at magrekomenda ng mga pag-uusig para sa mga nagpapakalat ng mali at malisyosong impormasyon.
Ayon sa COMELEC, ito ay bahagi ng kanilang paghahanda para sa ‘2025 Super Election Year,’ na sumasaklaw sa pambansa, lokal, at rehiyonal na halalan na gaganapin sa susunod na taon.
Ipinapakita umano nito ang dedikasyon ng komisyon na tiyakin ang malaya, tapat, at mapagkakatiwalaang halalan habang pinoprotektahan ang integridad ng election process laban sa maling paggamit ng AI at deepfakes.
Ipinahayag naman ng COMELEC ang kanilang pasasalamat sa UP College of Law at mga katuwang nito para sa kanilang suporta at pakikipagtulungan sa mahalagang pagsisikap upang protektahan ang demokrasya ng bansa. | ulat ni EJ Lazaro