Walang kagatol-gatol na inamin ni Chairperson George Erwin Garcia ng Commission on Elections (COMELEC) na siya ang target ng demolition job ni Deputy Majority Leader Rodante Marcoleta.
Sagot ito ni Garcia sa akusasyon ni Marcoleta na isang opisyal ng COMELEC ang tumanggap ng malaking halaga mula sa Miru System Company Limited para ibigay ang kontrata ng mga gagamiting makina sa 2025 Midterm election.
Ayon sa COMELEC Chair, bago pa ito gawin ng mambabatas ay may nakuha na siyang impormasyon na may mga ilalabas na paninira laban sa kanya.
Kung kayat noong nagkita sila ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Jimmy Santiago ay agad niyang hiniling na imbestigahan kung sino ang nasa likod ng demolition job na ito.
Hamon niya kay Marcoleta, maglabas ng mga patunay na nakinabang siya sa kontrata at handa niyang ibigay ang waiver para buksan ang kanyang mga bank account.
Kung nanaisin lamang daw niya na kumita, hindi na nya tinanggap ang pagiging COMELEC Chair dahil mas malaki ang kanyang kikitain sa pagpa-practice bilang isang election lawyer. | ulat ni Mike Rogas