Pinalawak na ng Department of Agriculture (DA) ang P29 rice program sa pamamagitan ng pagdagdag ng tatlo pang KADIWA centers sa Metro Manila.
Layon nito na makapagbenta ng mura ngunit magandang kalidad ng bigas sa mas maraming vulnerable households.
Pinasimulan ng DA noong nakaraang linggo ang pagbenta ng P29 per kilo ng bigas sa senior citizens, persons with disabilities, solo parents at mga miyembro ng 4Ps program sa 10 KADIWA sites sa Metro Manila at San Jose del Monte City sa Bulacan.
Ayon kay DA Assistant Secretary for Consumer and Legislative Affairs Genevieve Guevarra, ilalagay ang karagdagang KADIWA Center sa Malabon, Navotas, at Nangka sa Marikina.
Aniya, may tatlong iba pang site ang maaaring buksan sa dalawang magkalapit na lalawigan sa Metro Manila bago matapos ang Hulyo.
Bukod sa P29 na bigas, magsisimula na ring magbenta ang ilang piling KADIWA centers ng pangunahing pagkain sa ilalim ng “Rice-for-All Program”.
Magiging available ang well-milled rice sa lahat ng mamimili sa presyong mas mababa kaysa sa umiiral na mga presyo sa merkado ng parehong kalidad ng butil. | ulat ni Rey Ferrer