Tinututukan na ng Department of Agriculture (DA), ang technology-based farming method tungo sa modernisasyon sa sektor ng agrikultura.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., isa sa pangunahing pokus ng DA ay ang modernong pamamaraan sa pagtatanim.
Ayon sa kalihim may ilang lalawigan na sa bansa ang gumagamit ng small water impounding systems; fertigation techniques; at drip irrigation partikular sa Hermosa at Dinalupihan, Bataan.
Aniya, ang mga nabanggit na teknolohiya ay nagpakita ng potensyal na bawasan ng hanggang 70% ang ginagamit na fertilizer at hanggang 30% naman ang nabawas sa konsumo ng tubig.
Malaking tulong din ito para mapalaki ang kita ng mga magsasaka sa nabanggit na lalawigan.
Nangako pa si Secretary Laurel, na personal siyang mag- i-invest sa mga bagong teknolohiya gaya ng large-scale greenhouse facilities upang masubukan at makita ang mga benepisyo nito para sa mga magsasaka.| ulat ni Rey Ferrer