Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na mas maraming lugar pa ang mapapasama sa ₱29 Program o ang ₱29 kada kilo ng murang bigas.
Ito ay matapos na makipag-ugnayan ang ilan pang mga lokal na pamahalaan para magkaroon din ng bentahan ng murang bigas sa kanilang mga nasasakupan.
Ayon kay Agriculture Spokesperson Assistant Secretary Arnel De Mesa, simula nang ilunsad nila ang ₱29 Program, nagsipagtawagan na ang mga LGUs sa kagawaran.
Isinasaayos na lang umano nila ang tuntunin upang tiyak na ang mga vulnerable sectors ang makinabang.
Nais din ng DA na malapit sa mga komunidad ang mga bubuksan na bentahan ng ₱29 Program upang hindi na kailangan pang dumayo ng mga senior citizen, solo parent, person with disability, at 4Ps beneficiaries.
Kasunod nito, planong buksan naman ang ₱29 Program sa Visayas at Mindanao sa Agosto upang umaabot na doon ang murang bigas.
Sa ngayon, sapat na sapat umano ang suplay para sa pagpapatupad ng ₱29 Program.
Isinasapinal na rin ngayong linggo ang ilan pang panuntunan para sa implementasyon naman ng Rice for All Program. | ulat ni Merry Ann Bastasa