Siniguro ng Department of Agriculture (DA) na nananatiling sapat ang suplay ng lokal na bigas sa bansa sa gitna ng banta ngayon ng Temporary Restraining Order sa EO-62 o tapyas taripa sa imported na bigas.
Ayon kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, bagamat makakaapekto ang TRO, handa naman parati ang kagawaran para walang maging kakapusan ng suplay ng bigas sa bansa.
Sa kasalukuyan, bukod sa local production ay mataas na rin aniya ang lebel ng rice imports na pumasok sa bansa.
Matatandaang nagpahayag ang ilang grupo ng mga magsasaka na maghahain ang mga ito ng TRO upang harangin pansamantala sa EO sa tapyas taripa.
Sinabi naman ni Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. na kung magkakaroon ng TRO, walang mga importer na mag-aangkat ng bigas na sinegundahan din ni Asec. De Mesa dahil malilito aniya ang mga importer kung 15% o 35% ba ang susunding taripa. | ulat ni Merry Ann Bastasa