Tinatayang nasa 1,085 na mga bagong recruit na Correction Officers 1 (CO1) ang inaasahang manunumpa bukas, July 15, mula sa iba’t ibang Operating Prisons at Penal Farms ng Bureau of Corrections (BuCor).
Kabilang sa mga bagong recruit na sinasabing dumaan sa mahigpit na proseso ay mula sa Davao Prison and Penal Farm kung saan 200 ay mula rito, 200 din mula sa Iwahig Prison and Penal Farm, 100 mula sa San Ramon Prison and Penal Farm, 140 mula sa Leyte Regional Prison, at 96 mula sa Sablayan Prison and Penal Farm. May 349 na recruit naman mula sa New Bilibid Prison – National Headquarters (NBP-NHQ).
Pangungunahan naman ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., ang seremonya, na magbibigay-diin sa pangako ng mga bagong opisyal na panatilihin ang pinakamataas na pamantayan ng serbisyo publiko.
Ang nasabing kaganapang ay isang mahalagang hakbang, ayon sa BuCor, sa pagpapalakas ng kanilang pwersa upang harapin ang mga hamon sa sistema ng piitan at rehabilitasyon sa bansa.
Gaganapin ang oath-taking sa Sunken Garden Parade Ground sa Muntinlupa City sa ganap na 3:00 ng hapon bukas.| ulat ni EJ Lazaro