Naharang ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang dalawang babaeng pinaghihinalaang mga pekeng Pilipino habang papasakay sana ng Cathay Pacific flight patungong Beijing.
Ibinahagi ni BI Commissioner Norman Tansingco na ang mga babae ay kinilalang sina ‘Dianne’ at ‘Myla’ kapwa hindi raw nakakapagsalita ng kahit anong wikang Filipino ayon sa sumuring kawani ng Immigration.
Si ‘Dianne,’ 61 taong gulang, ay nagpakita umano ng pasaporte at birth certificate ng Pilipinas, ngunit nakapagparehistro lamang ng kanyang kapanganakan noong 2002 nang siya ay 39 taong gulang na. Nagbigay din siya ng mga hindi tugmang impormasyon tungkol sa kanyang pagkakakilanlan at hindi maalala ang pangalan ng kanyang eskwelahan dito sa Pilipinas.
Si ‘Myla’ naman ay nakitaan din ng mga hindi tugmang impormasyon matapos magpakita ng Philippine passport, driver’s license, at UMID ID. Ayon kay Myla, siya ay d’i umano ay homeschooled ng kanyang lola ngunit hindi maalala ang mga detalye ng kanyang kabataan o pamilya. Kalaunan ay inamin niyang nakuha lamang nito ang mga dokumento sa pamamagitan ng isang kontak na nakilala niya online.
Pinaghihinalaan ni Tansingco na ang mga babae ay mga Chinese nationals na nakakuha ng mga dokumento sa pamamagitan ng ilegal na paraan.
Kapwa inaresto ang dalawang babae at kasalukuyang nasa pasilidad ng BI sa Bicutan, Taguig habang nahaharap sa mga deportation charges. | ulat ni EJ Lazaro