Inaresto ng mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang dayuhan kasunod ng isang raid sa Tuba, Benguet ng pinagsamang pwersa ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Sinasabing naganap ang operasyon sa pangunguna ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), intelligence division ng BI, at ng regional intelligence unit ng Cordillera Administrative Region, umaga kahapon ng July 27 sa isang tirahan sa isang subdivision sa Barangay Poblacion, Tuba, Benguet.
Kinilala ang mga suspek na sina Wang Keping, 35-anyos, at Khuon Moeurn, 37-anyos.
Ayon kay Fortunato Manahan Jr., pinuno ng intelligence division ng BI, ang raid ay isinagawa batay sa impormasyong natanggap mula sa PAOCC tungkol sa isang babaeng Chinese na hinahanap kaugnay ng nakaraang operasyon na naganap sa Bamban, Tarlac. Gayunpaman, hindi natagpuan ang pangunahing target sa lokasyon. Sa halip, kanilang naabutan si Moeurn, isang Cambodian national, na hindi nakapagpakita ng wastong dokumento, at napag-alaman na siya ay nag-overstay na sang-ayon sa kanyang visa na nag-expire noong Agosto 2020.
Kahit naman mayroong valid working visa si Wang, maari naman itong maharap sa kasong paglabag sa mga batas ng imigrasyon dahil sa pagtatago ng isang dayuhang walang kaukulang dokumento.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng PAOCC ang dalawang dayuhan at nakatakdang dalhin sa Maynila para sa karagdagang proseso habang isinasagawa ang kanilang deportation proceedings.| ulat ni EJ Lazaro