Bigo ang Senado na maaresto kahapon si suspended Mayor Alice Guo sa kanyang farm sa Bamban, Tarlac.
Matapos pirmahan ni Senate President Chiz Escudero ang arrest warrant laban kina Guo at walong iba pa, nagtungo ang arresting team ng Senate Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) kasama ang mga pulis sa address ng mga ito.
Hindi rin nakita ng arresting team sa kanilang mga address sa Marilao at Valenzuela city ang mga kapatid ni Mayor Alice na sina Shiela, Wesley at Seimen Guo.
At nang puntahan rin ang garments factory ng kanilang pamilya sa Valenzuela ay hindi pinapasok ang OSAA team.
Maging ang isa pang pinapaaresto na si Dennis Cunanan ay wala rin sa address nito.
Sa ngayon, tanging ang dating accountant lang ni Mayor Alice na si Nancy Gamo ang naaresto at nasa kusyodiya na ng Senado.
Matapos madala sa Senate premises ay agad itong isinailalim sa medical check-up at nasa mabuti naman umano itong kalagayan.
Kabilang rin sa pinapaaresto ng Senado ang mga magulang umano ni Mayor Alice na sina Wenyi Lin at Jang Zhong Guo.| ulat ni Nimfa Asuncion