Matapos sabihin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) kahapon na tataasan ang sweldo ng mga kawani ng pamahalaan, tiniyak ng Department of Budget and Management (DBM) na may nakalaan ng pondo para dito.
Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, may ₱36 billion ngayong taon para pondohan ang salary increase.
May inilaan naman na ₱70 billion para sa susunod na taon sa ilalim ng General Appropriations.
Hihintayin na lamang daw ng DBM ang ilalabas na Executive Order upang ipatupad ang dagdag-sweldo.
Ang salary increase ay bukod pa sa inanunsyong medical allowance na matatanggap rin ng mga kawani ng pamahalaan bilang karagdagang benepisyo simula sa susunod na taon.
Ang umento sa sahod ng mga manggagawa ng pamahalaan ay inaasahang mararamdaman ng 165,007 sub-professionals; mahigit na isang milyon na mga professionals, tulad ng mga guro at abogado, at 22,640 na nasa executive functions. | ulat ni Mike Rogas