Ilang araw bago magpasukan, naglabas na ang Department of Education (DepEd) ng mga panuntunan para sa school year 2024-2025 sa bisa ng Department Order 0-0-9 Series of 2024 na pinirmahan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte.
Ayon sa DepEd, ang pasukan ay magsisimula sa July 29 at magtatapos sa April 15 sa susunod na taon, na may kabuuang 200 araw.
Ang enrollment naman ay nagsimula na noong July 3 at tatagal hanggang July 26.
Samantala, ang Brigada Eskwela ay nakatakda sa July 22 hanggang 27, habang ang Oplan Balik Eskwela ay magsisimula sa July 22 at magtatapos sa August 2.
Ang Christmas break naman ay magsisimula sa December 21 hanggang January 1.
Sa kabila ng mga pagbabago, mananatili ang “in-person” learning bilang pangunahing paraan ng pagtuturo sa mga paaralan.
Gayunpaman, ipatutupad ang blended learning kapag suspendido ang klase dahil sa mga kalamidad o emergency. | ulat ni Diane Lear