Nakipagpulong si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo sa Foreign Minister ng Thailand na si Maris Sangiampongsa upang talakayin ang pagpapatibay ng bilateral na relasyon ng dalawang bansa kasabay sa paggunita ng ika-75 anibersaryo ng diplomatikong ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Thailand.
Sa pagbisita ni Sangiampongsa mula Hulyo 3 hanggang 4, tinutukan ng dalawang lider ang pagpapalakas ng kooperasyon sa turismo, kalakalan, pamumuhunan, edukasyon, renewable energy, food security, at defense.
Nagpalitan din ang mga ito ng pananaw sa mahahalagang isyung rehiyonal at pandaigdig, kabilang ang South China Sea, Myanmar, at Gitnang Silangan. Nangako rin ang dalawang bansa sa pag-promote ng stability at kapayapaan.
Itinuring naman ni Sec. Manalo na mahalaga ang naganap na pagbisitang ito at umaasa na marami pang ibang matatalakay sa darating na ika-6 na Philippines-Thailand Joint Commission for Bilateral Cooperation.
Nagsimula ang diplomatikong ugnayan ng Pilipinas at Thailand noong ika-14 ng Hunyo 1949. | ulat ni EJ Lazaro