Binigyang-diin sa ginanap na 2024 National MSME Summit na pinangunahan ng Department of Trade and Industry (DTI) at Go Negosyo ang dedikasyon nito na isama ang digital technologies para mapaunlad pa ang kakayahan ng mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa bansa.
Sa talumpati ni DTI Secretary Fred Pascual, iniuulat nito na may mahigit sa 300,000 nang MSME ang naipasok na sa e-commerce mula Enero 2023 hanggang nitong Marso 2024 kung saan sinanay ang mga ito sa mga platform tulad ng Instagram, TikTok, Shopee, at Lazada.
Sa kaparehong kaganapan din, inilunsad din ni Sec. Pascual ang bagong logo ng One Town, One Product (OTOP) at inanunsyo ang pagbubukas ng OTOP Retail and Learning Center at DTI-Bagong Pilipinas Marketplace, isang pangunahing B2B e-commerce platform.
Binanggit din nito ang AI Strategy Roadmap 2.0, ang Center for AI Research na kamakailan lamang ay inilunsad, at ang programang Tindahan Mo e-Level Up Mo bilang mahahalagang inisyatiba para sa digital na transformasyon ng MSMEs. Binibigyang-diin din ng Trade Chief ang kolaborasyon nito sa mga malalaking pribadong sektor na magbibigay sa mga MSME ng mas maraming platform at pagkakataon upang ipakita ang kanilang mga produkto at pahusayin pa ang kanilang operasyon sa pamamagitan ng mga makabagong solusyon.
Sa nasabing summit, iba’t ibang aktibidad din ang isinagawa kasama ang mga MSME’s para sa karagdagang kaalaman at inspirasyon pagdating sa larangan ng pagnenegosyo. | ulat ni EJ Lazaro