Bumuo na ng inter-agency task force ang Department of the Interior and Local Government (DILG) para tugunan ang oil spill sa Lamao Point, Limay, Bataan.
Inanunsyo ito ni DILG Secretary Benhur Abalos Jr. sa pulong ng National Disaster Risk Reduction and Management Council -Regional Disaster Risk Reduction and Management Council sa San Fernando, Pampanga.
Ang hakbang ni Abalos ay alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magtulungan ang lahat ng ahensya ng pamahalan para magbigay suporta sa apektadong LGUs.
Ang task force ay binubuo ng DILG; Office of Civil Defense (OCD); Department of Environment and Natural Resources (DENR); at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kasama rin dito ang provincial government units ng Bataan at Bulacan; local government units ng Parañaque; Las Piñas; Pasay; Manila; Navotas; at Cavite.
Ang Motor Tanker Terranova na pag-aari ng Shogun Ships Company Incorporated ay tumaob noong Huwebes na may dalang 1.4 milyong litro ng industrial fuel oil sa paligid ng 3.6 nautical miles o humigit-kumulang pitong kilometro sa silangan ng Lamao Point.
Tiniyak ni Abalos na susulong ang inter-agency task force sa konkretong aksyon at magbibigay ng mga regular na ulat upang mapabatid sa lahat ang kalagayan ng oil spill cleanup at containment.| ulat ni Rey Ferrer