Suportado ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) ang kautusan ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na ipatigil ang operasyon ng lahat ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).
Sa isang pahayag matapos ang SONA, sinabi ni Abalos na una na niyang inatasan ang mga Local Government Units (LGUs) na busisiing mabuti ang mga lokal na negosyo bilang unang depensa laban sa mga iligal na operasyon ng POGO.
Kailangan aniyang tiyakin ng mga business process and licensing offices (BPLOs) at mga lokal na opisyal na mga lehitimong operasyon lang ang mabigyan ng business permit.
Binigyang-diin ni Abalos na ang mga LGU ang pangunahing responsable sa pagsunod ng mga lokal na negosyo sa mga ligal na pamantayan para labanan ang mga iligal na aktibidad sa kanilang nasasakupan.
Tiniyak naman ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil ang suporta ng PNP sa mga LGU sa pagganap ng kanilang “regulatory function.” | ulat ni Leo Sarne