Kinumpirma ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na naapektuhan ng isang minor data breach ang kanilang sistema partikular na ang Disaster Risk Reduction Management Division.
Ayon kay DICT Spokesperson Assistant Secretary Renato Aboy Paraiso, na-monitor ang breach kahapon at agad din itong inaksyunan.
Wala naman aniyang sensitibong data ang nakompromiso sa naturang breach dahil ito ay isang external system na hindi naman konektado sa central system ng DICT.
Wala rin aniyang malaking data ang naka-store sa sistema maliban nalang sa data ng ilang empleyado ng naapektuhang unit at government assets.
Kaugnay nito, nag-abiso naman na ang DICT sa National Privacy Commission hinggil sa data breach.
Sa ngayon, puspusan naman aniya ang ginagawang hakbang ng DICT para mapahusay pa ang cybersecurity ng ahensya at masigurong hindi na maulit pa ang breach na ito. | ulat ni Merry Ann Bastasa