Lumagda sa kasunduan ang Department of Migrant Workers (DMW) at Provincial Government ng Lanao del Norte upang palakasin ang kampanya laban sa illegal recruitment, human trafficking, at pangalagaan ang karapatan at kapakanan ng mga overseas Filipino worker (OFW).
Pinangunahan nina Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac, Governor Imelda Quibranza-Dimaporo, at mga kinatawan mula sa Department of Labor and Employment (DOLE), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang paglagda sa kasunduan.
Sa ilalim ng kasunduan magtutulungan ang mga ahensya para sa pagpapalakas ng Anti-Illegal Recruitment and Trafficking in Persons campaign, at pagtatalaga ng OFW Help Desk sa bawat bayan ng Lanao del Norte.
Nagbigay din ang DMW ng livelihood and reintegration assistance package sa mga dating OFW bilang bahagi ng Livelihood Program for OFW Reintegration.
Matatandaang pinalakas pa ng DMW ang kampanya nito laban sa illegal recruitment at human trafficking kung saan ilang mga hindi lisensyadong recruitment at travel agency na nag-aalok ng trabaho sa mga Pilipino sa abroad ang ipinasara. | ulat ni Diane Lear