Lubos na sinusuportahan ng Department of Energy (DOE) ang Oil Pollution Management Fund Committee sa pagtugon sa mga kagyat na pangangailangan sa pagpopondo para sa pagpigil, pag-alis, at paglilinis ng oil spill kasunod ng paglubog ng MT Terra Nova sa baybayin ng Limay, Bataan noong Huwebes.
Ito’y alinsunod sa Republic Act No. 9483, na kilala rin bilang Oil Pollution Compensation Act of 2007, na nagtatag ng isang quick response fund at isang komite upang pamahalaan at pangasiwaan ang paggamit ng mga resources para sa insidente tulad ng oil spill.
Bukod dito, hiniling din ni Energy Secretary Raphael Lotilla sa mga pribadong kumpanya ng langis at mga kaugnay na negosyo na magbigay ng buong suporta nito sa mga pagsisikap na pigilan ang oil spill at tulungan ang mga apektadong komunidad.
Maaalalang patungo sana ang nasabing fuel tanker sa Iloilo na may dalang 1.4 milyong litro ng industrial fuel oil nang maganap ang insidente.
Sa ngayon, patuloy naman ang pagresponde ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang maiwasan ang pagkalat at maaaring pinsala ng langis mula sa lumubog na barko.
Kasama rito ang isang inter-agency task force na pinabubuo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tututok sa insidente ng oil spill sa lalawigan ng Bataan. | ulat ni EJ Lazaro