Hinihintay na lang ng DOH na mailabas ang Notice of Cash Allotment (NCA) upang tuluyan nang mabayaran ang nalalabing health emergency allowance sa mga healthcare workers na nagtrabaho noong panahon ng pandemiya.
Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations natanong ni Bulacan Rep. Salvador Pleyto kung ano na ang estado ng hindi pa nababayarang ng COVID-19 allowances.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, inaasahan nila na sa 2025 National Budget pa ito maisasama ngunit noong nakaraang linggo, inanunsyo ni DBM Sec. Amenah Pangandaman na ilalabas na nila ang Special Allotment Release Order (SARO) para P27.4 billion COVID-19 allowance ng July 5.
Oras na mailabas ang NCA, sinabi ni Herbosa na ipapadala na ang pondo sa mga regional offices ng DOH kung nasaan ang claims ng mga healthcare workers.
Ito na ang huling batch ng HEA na dapat bayaran ng gobyerno sa mga healthcare worker na nagserbisyo noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
“Ito na po yung huling claims. ‘Pag na-disburse ito wala na po tayong dapat na i-allocate,” sabi ng kalihim.| ulat ni Kathleen Forbes