Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa patuloy na pagtaas ng kaso ng Dengue ngayong tag-ulan.
Batay sa pinakahuling datos ng DOH, noong June 29, mayroong 30% na pagtaas sa bilang ng mga kaso ng dengue.
Mula sa 6,323 na kaso na naitala noong May 19 hanggang June 1, umabot sa 8,246 ang naitalang kaso sa buong bansa noong June 2 hanggang June 15.
Sa kabuuan, mahigit 90,000 kaso ng dengue ang naitala simula taong 2024 hanggang June 29 kasama na ang 233 na na naitalang nasawi.
Pinaalalahanan ng DOH ang publiko na sundin ang 4S para labanan ang dengue:
Search and Destroy – hanapin at sirain ang mga pinamumugaran ng lamok
Self-Protection – magsuot ng mahabang damit at gumamit ng insect repellant
Seek Early Consultation – magpatingin agad sa doktor kung may sintomas ng dengue
Support Fogging/Spraying – suportahan ang fogging o spraying sa mga lugar na may mataas na kaso ng dengue
Ayon kay Health Secretary Teodoro J. Herbosa, kasabay ng ulan tumataas din ang kaso ng dengue. Aniya, ang epektibong paraan para masugpo ito ay ang pagpatay sa mga lamok. | ulat ni Diane Lear