Ipinaabot ng Department of Health (DOH) sa publiko na may dulot na panganib hindi lamang sa kalikasan kundi pati na rin sa kalusugan ng tao ang pangyayari tulad ng oil spill kaya naman katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan, ay nagbigay ng mga paalala ang kagawaran para sa kaligtasan ng publiko.
Kabilang dito ang mga sumusunod na hakbang:
1. Pagsusuot ng protective gear: Tiyakin ang wastong paggamit ng personal protective equipment tulad ng gown, guwantes, bota, at salaming de kolor para sa mga responders at clean-up workers sa panahon ng oil spill
2. Paghuhugas ng kontaminadong kasuotan: Hugasan ng maayos ang mga damit at kagamitan na maaaring nadikitan ng langis.
3. Wastong Pagtatapon ng Basura: Siguruhing tama ang pagtatapon ng mga nagamit sa paglilinis ng oil spill upang maiwasan ang karagdagang kontaminasyon.
4. Hindi pagpunta sa mga apektadong lugar: Panatilihing malayo ang mga alagang hayop at mga tao mula sa kontaminadong lugar upang maiwasan ang exposure sa nakalalasong kemikal tulad ng langis
5. Pagiging bukas ng komunikasyon at pqagiging alerto: Mahigpit na pinapayuhan ang lahat na manatiling alerto at updated sa mga advisory mula sa mga kinauukulan. Buksan ang komunikasyon at iulat agad ang anumang insidente o pagkakasakit sa mga awtoridad.
Sa pagkakataong tayo ay hindi rin makakalikas, narito ang ilan sa mga palala ng mga HINDI DAPAT gawin, ayon sa DOH.
Kasama rito ang hindi paglangoy sa mga lugar na apektado ng langis, gayundin ang pag-iwas na madikit sa sediment, buhangin, lupa, o mga bagay na kontaminado oil spill, hindi paggamit ng tubig na kontaminado ng langis para sa pagkonsumo ng tao o hayop.
Huwag din kumain ng isda, molusko, at iba pang pagkaing-dagat na nahuli sa lugar na malapit sa oil spill at pagsunof ng mga labi (tulad ng maruming basura o driftwood) na kontaminado ng langis.
Pinapayuhan din ng DOH ang lahat sumunod sa mga payo ng awtoridad upang mapanatili ang kaligtasan at kalusugan ng inyong mga komunidad.
Ang nasabing advisory ay inilabas kasunod ng naiulat ang paglubog ng motor tanker na MT Terra Nova, 3.6 nautical miles silangan ng Lamao Point sa bayan ng Limay, Bataan noong Huwebes kung saan karga nito ang milyon-milyong litro ng industrial fuel na maaaring magdulot ng malawakang oil spill sa Manila Bay.
Patuloy naman ang pagresponde ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang maiwasan ang pagkalat at maaaring pinsala ng langis mula sa lumubog na barko. | ulat ni EJ Lazaro