Ipinanawagan ng isang mataas na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang agarang aksyon at mahigpit na pananagutan sa mga proyekto sa ilalim ng Improving Growth Corridors in Mindanao Road Sector Project (IGCMRSP).
Sa kamakailang pagpupulong na isinagawa sa Ipil, Zamboanga Sibugay, binigyang-diin ni Senior Undersecretary Emil K. Sadain ang kahalagahan ng pagiging episyente at pagsunod sa mataas na pamantayan sa mga isinasagawang proyekto partikular sa mga kalsada at tulay.
Binalaan din ni Sadain na hindi nito tatanggapin ang mga pagkaantala at substandard na trabaho bilang bahagi na rin sa utos ni DPWH Secretary Manuel Bonoan.
Nagkakahalaga ang nasabing proyekto ng ₱14.5 bilyon at pinondohan sa pamamagitan ng Asian Development Bank, na naglalayong mapalakas ang paglago ng ekonomiya at connectivity sa Mindanao.
Sa kasalukuyan, 71% ng proyekto ang sinasabing na-accomplish na, kabilang ang mahigit 140 kilometro ng kalsada at 14 na tulay.
Upang mapabilis ang progreso sa proyekto, kabilang sa mga hakbang ng DPWH ang pag-deploy ng karagdagang makinarya at manpower, at pagpapatupad ng round-the-clock work shifts upang tugunan ang mga pagkaantalang dulot ng mga hamon tulad ng masamang panahon, logistical challenges, at mga hindi inaasahang isyung teknikal. | ulat ni EJ Lazaro