Iprinisinta ni Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan ang Flood Control program ng ahensya sa pagdinig ng House Committee on Public Works and Highways.
Ibinahagi ng kalihim ang update sa kanilang isinasagawang flood control masterplan kung saan itinuloy nila mula pa noong nakaraang admisnitrasyon, kabilang na dito ang iba’t ibang components gaya ng agarang pagpapatupad ng flood control sa low-lying areas at ang river basin program.
Nagpaliwanag din si Sec. Bonoan sa nangyaring pagbaha noong bagyong Carina na pinalakas ng habagat, aniya hindi naman parehas ang dami ng tubig ulan kumpara noong Ondoy.
Kapansin-pansin din aniya na mas mabilis humupa ang tubig baha noong bagyong Carina kumpara sa Ondoy na inabot ng dalawang linggo.
Tiniyak ni Sec. Bonoan sa harap ng komite, na ang lahat ng flood control projects na ipinatutupad ng ahensya ay “well engineered” at matatag.
Aniya, patuloy ang kanilang pagsisikap at koordinasyon sa MMDA upang matiyak na matapos ang mga proyekto sa flood control kabilang na dito ang pagtatayo ng storage dam sa Sierra Madre, upang maiwasan na dumaloy ang tubig mula sa kabundukan patungong Metro Manila, at pag upgrade sa 50 year old na drainage ng Metro at pagasasaayos ng waste management. | ulat ni Melany Valdoz Reyes