Inilatag ng Department of Public Works and Highways ang kasalukuyang lagay ng mga proyekto nito na bahagi ng Build Better More program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa ginagawang Build Better More Infrastructure Forum sa New Clark City, Tarlac, sinabi ni Public Works and Highways Usec. Maria Catalina Cabral na tuloy-tuloy ang ginagawang pagsasaayos ng major highways sa Luzon partikular ang ang Maharlika Highway.
Kabilang naman sa mga nakalatag na proyekto nito sa Luzon ang posibilidad na pagpapahaba ng ilang expressways sa Luzon gaya ng TPLEX na target paabutin hanggang probinsya ng Laoag.
Ibinahagi rin ni Cabral ang pagsasaayos at pagtatayo ng mga bagong tulay sa Metro Manila para mapagaan ang daloy ng mga sasakyan dito.
Dagdag pa ng opisyal na sa 2025 ay inaasahang sisimulan ang pinakamalaking single-ticket project ng administrasyon na Bataan-Cavite Interlink na may habang 32.15 km.
Mayroon ding nakalatag na proyekto ang pamahalaan sa Mindanao na mga tulay gaya ng Panguil Bay Bridge at inaasahang matatapos sa Oktubre ng taong kasalukuyan.
Gayundin ang 4 km Samal Island-Davao Connector Bridge na nagsimula na ang konstruksyon.
Sa Visayas naman, ilan sa mga nakalinya ang Panay-Guimaras-Negros Island Bridge at nasa 31% completion na, habang ang isa sa ipinagmamalaki ng ahensya ang ikalawang San Juanico Bridge na sumasailalim ngayon sa feasibility study.
Naniniwala ang DPWH na maisasakatuparan ang pangarap ng Pangulong Marcos na gawing powerhouse ang Pilipinas sa Asya sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga makabagong imprastraktura sa bansa. | ulat ni Lorenz Tanjoco