“Major upgrade” na ang kailangan ng mga drainage sa buong Metro Manila.
Ito ang binigyang diin ni MMDA Chair Don Artes sa harap ng ipinatawag na birefing ng House Committee on Metro Manila Development kaugnay sa malawakang pagbahang naranasan noong kasagsagan ng Habagat na pinalakas ng bagyong #CarinaPH.
Ayon kay Artes, katumbas ng 1.5 billion na drum ng tubig ang bumuhos na ulan noong July 24 sa kamaynilaan.
Noon din aniyang kasagsagan ng pag-ulan umabot sa 74 millimeter per hour ng tubig ang dumaloy sa mga drainage system ng Metro Manila gayong 15 hanggang 25 millimeter per hour lang ang kaya nito.
Paliwanag ni Artes, isa ito sa mga nagdulot ng pagbaha lalo at 1970s pa ang mga drainage at pawang maliliit at barado na ng putik at basura.
Kaya isa sa mga suhestyon na kanilang iprinisenta sa Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kasama ang DPWH ay ang pagkakaroon ng 50 year drainage master plan.
Natutunan aniya nila ito sa Netherlands kung saan sa pagpaplano ng drainage system ay ine-estima na rin ang dami ng ulan at taas ng lebel ng tubig ng dam sa hinaharap.| ulat ni Kathleen Forbes