Pipirmahan na bukas, Hulyo 8 ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Social Security System (SSS) ang isang kasunduan para sa low-cost social insurance ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ang partnership na ito sa SSS ay magpapalawak ng social security coverage sa 4Ps beneficiaries, na magbibigay sa kanila ng mga safety net mula sa pagkawala ng kita, pagkakasakit, at iba pang pasanin sa pananalapi.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, sasakupin din ng partnership na ito ang 4Ps beneficiaries na miyembro ng workers association, informal sector groups at Sustainable Livelihood Program Associations.
Sa ilalim ng kasunduan, tutulungan din ng SSS ang DSWD sa pagpaparehistro at pagproseso ng mga aplikasyon ng lahat ng mga kwalipikadong benepisyaryo.
Kasama rin sa lalagdaang Memorandum of Agreement ang mga tungkulin at responsibilidad ng parehong ahensya sa pagsasagawa ng mga seminar at orientation activities para sa 4Ps organized groups. | ulat ni Rey Ferrer