Nagpaabot ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol kahapon, July 22, 2024 ng packed meals para sa 97 na mga stranded na pasahero sa Pasacao Port na matatagpuan sa bayan ng Pasacao, Camarines Sur.
Ang mga pasahero ay na-stranded matapos makansela ang biyahe mula sa Pasacao Port patungo sa San Pascual, Burias, Masbate dahil na rin sa masamang kalagayan ng panahon.
Kabuuang 33 pamilya na binubuo ng 97 na indibidwal ang na-stranded sa nasabing pantalan.
Bilang bahagi ng kanilang mabilis na pagtugon, ang DSWD Bicol sa pamamagitan ng Disaster Response Management Division (DRMD) at Municipal Action Team (MAT) ng Pasacao, katuwang din ang Local Government Unit ng Pasacao, ay nagbigay ng mga mainit at packed meals sa mga pasahero.
Samantala, inatasan din ni DSWD Bicol Regional Director Norman Laurio ang DSWD Quick Response Team (QRT) na maging handa sa pagtugon sa oras na lumala ang sitwasyon dulot ng binabantayang sama ng panahon.
Bilang bahagi ng paghahanda para sa resource augmentation, kabuuang 182,249 family food packs at 335,733 non-food relief items ang naka-preposisyon na at nakahanda na sa mga LGU at regional warehouses sa buong Bicol Region. | ulat ni Vanessa Nieva | RP1 Naga
📷: DSWD Field Office 5 – Bicol