Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R Marcos Jr., ipinag-utos na ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang agarang paghahatid ng tulong sa mga sinalanta ng bagyong Carina.
Inatasan ng kalihim ang Disaster Response Management Group at DSWD Field Offices para magpadala ng family food packs at iba pang relief items sa mga komunidad na tinamaan ng bagyo.
Aniya, dapat ayusin ang pamamahagi ng relief items lalo na sa mga lugar na may pinakamaraming bilang ng mga apektadong pamilya.
Sa ngayon, may kabuuang isang milyong family food packs, at standby funds at stockpiles funds na P2.6 billion ang National Resource and Logistics Management Bureau.
Bukod dito, ang higit pang P1.2 billion na halaga ng food and non-food items ang nasa DSWD.
Hanggang kaninang alas-6 ng umaga, kabuuang 45,328 pamilya o katumbas ng 91,062 indibidwal sa 225 barangays sa National Capital Region (NCR), Regions 1, 2 at 3, CALABARZON, MIMAROPA, Region 5, 6, 7 at Cordillera Administrative Region (CAR) ang apektado ng sama ng panahon.
May 1,702 pamilya o 6,524 indibidwal ang kasalukuyang nasa 126 evacuation centers sa NCR, Regions 1, 2, 3, 6, 7, at CALABARZON at MIMAROPA. | ulat ni Rey Ferrer