Inatasan na ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang mga regional director sa SOCCSKSARGEN at Zamboanga Peninsula na paigtingin ang pagtugon sa mga pamilyang sinalanta ng pagbaha sa Mindanao dahil sa habagat.
Iniutos din ng kalihim ang agarang pagpapadala ng mga Family Food Packs para sa augmentation ng dalawang DSWD regional offices.
Batay sa huling ulat, nakapaghatid na ng food packs ang DSWD SOCCSKSARGEN at Zambonga Peninsula sa flood-affected provinces sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Kabilang sa naapektuhan ang Maguindanao del Norte; Maguindanao del Sur; Lanao del Sur; at mga apektadong pamilya sa “special geographic area.”
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, may koordinasyon na ang DSWD sa mga LGU para matukoy ang lawak ng pinsala at para sa interbensyon sa mga sinalanta ng baha.
On going na rin ang validation at assessment operations sa Kiamba at Maitum sa Sarangani, Lebak, Kalamansig at Palimbang sa Sultan Kudarat at Sarangani.| ulat ni Rey Ferrer