Dapat maging mapanuri at huwag basta maniwala ang publiko sa mga nakikita sa Tiktok, at iba pang social media accounts na nangangako ng educational assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay DSWD Assistant Secretary at Spokesperson Irene Dumlao, naglalaman lang ito ng fake information na layong iligaw ang publiko o di kaya ay kuhanin ang personal information na gagamitin ng online scammers.
Paliwanag ni Dumlao, na kailangang dumaan sa interview at assessment ng social worker upang makakuha ng financial aid sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng DSWD.
Ang AICS program ay isa sa mga serbisyo ng ahensya na nagbibigay ng cash assistance para sa pagkain, pamasahe, serbisyong medikal, pampalibing at iba pang pangunahing pangangailangan.
Para sa educational assistance, ang DSWD ay may Tara, Basa! Tutoring Program, isang reformatted educational assistance program ng ahensya na naglalayong turuan ang mga kabataang hirap o hindi marunong magbasa. | ulat ni Rey Ferrer