Aabot na sa higit ₱218-million ang halaga ng humanitarian assistance na naihatid ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lugar na sinalanta ng habagat at bagyong Carina.
Ayon sa DSWD, aabot na rin sa 935,549 family food packs ang naipaabot nito sa mga apektadong residente sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, at Bicol Region.
Tuloy-tuloy kahit nitong weekend ang relief operations ng DSWD field office na inabutan ng tulong maging ang mga isolated na barangay.
Kaugnay nito, as of July 28, umakyat pa sa higit 1.1 milyong pamilya o 3.6-milyong indibidwal ang naapektuhan ng habagat at bagyong Carina.
Habang aabot naman sa 22,337 na pamilya o katumbas ng 85,595 na indibidwal ang pansamantalang nananatili ngayon sa higit 600 pang evacuation centers.
Una na ring iniutos ni DSWD Secretary Rex Gatchalian sa Disaster Management Group ng kagawaran ang pagtitiyak ng tuloy-tuloy na tulong sa mga apektado ng nagdaang kalamidad, alinsunod na rin sa direktiba n Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na walang pamilya ang mapag-iiwanan.
Pinaiigting na rin ng DSWD ang operasyon sa National Resource Operations Center para sa walang patid na produksyon ng family food packs na ipapamahagi sa mga apektadong pamilya. | ulat ni Merry Ann Bastasa