Nakataas na sa red alert status ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Disaster Response Command Center dahil sa walang tigil na pag-ulan dulot ng Habagat na pinalakas ng bagyong Carina.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, inatasan na ni Secretary Rex Gatchalian ang DRCC at ang DSWD Field Offices na maghanda habang tumitindi ang ‘Habagat’ dahil sa bagyong Carina.
Maraming lugar na aniya sa Luzon at Visayas islands ang apektado na ng mga pag-ulan.
Batay sa ulat ng DSWD-Disaster Response Operations Management, Information Center, nakapagbigay na ang ahensya ng paunang P190,124 halaga ng humanitarian assistance sa mga apektadong lokalidad sa Regions 3 (Central Luzon), 5 (Bicol), at 6 (Western Visayas).
Tinitiyak ng National Resource and Logistics Management Bureau, ang logistics arm ng DSWD sa ilalim ng DRMG, ang muling pagdadagdag at pagkakaroon ng food at non-food items para sa resource augmentation sa DSWD FOs kung kinakailangan.
Batay sa tala, nasa 224 na pamilya o 975 katao ang apektado sa Bataan, Pampanga, Camarines Sur, Masbate, at Iloilo City.
May 46 na pamilya o 152 katao ang kasalukuyang naninirahan sa anim na evacuation centers sa Central Luzon at Western Visayas regions. | ulat ni Rey Ferrer