Kasabay ng paghahanda para sa nalalapit na school opening, sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagbibigay ng sweldo para sa cash-for-work (CFW) ng mga college tutors at Youth Development Workers (YDWs) sa ilalim ng Tara, Basa! Tutoring Program ng ahensya.
Ayon kay DSWD Spokesperson Asec. Irene Dumlao, sinimulan na ang pagbibigay ng 1st tranche ng cash-for-work para sa mga college tutors upang makatulong sa mga ito para sa kanilang mga bayarin ngayong papalapit na ang pasukan.
Kabilang sa mga unang nagkasa ng payout DSWD Field Office-7 (Central Visayas) kung saan nakapaloob sa initial compensation ang unang 10 sessions na isinagawa ng mga program beneficiaries.
Makatatanggap ang bawat tutor at YDW ng halagang P468 kada araw para sa 3-hour tutorial at parenting sessions na kanilang ginugol sa pagtuturo sa mga grade school learners at parents.
Nakabase ang sweldo ng CFW batay na rin sa minimum wage rate ng bawat rehiyon.
Magkakasabay na nagsimula ang tutoring sessions noong July 1 sa mga implementing regions sa Regions 3 (Central Luzon), 7 (Central Visayas), 8 (Eastern Visayas), 10 (Northern Mindanao), 12 (SOCCSKSARGEN), at 4-A (CALABARZON) at inaasahang magtatapos ito sa July 26. | ulat ni Merry Ann Bastasa