Malaking bilang ng mga Pilipino ang nagkatrabaho sa bansa nitong Mayo ng 2024.
Batay sa pinakahuling labor force participation survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), sumampa sa 95.9% ang employment rate nitong Mayo o katumbas ng 48.87 milyong Pilipinong may trabaho.
Katumbas ito ng higit kalahating milyong Pilipino na nagkatrabaho mula Abril hanggang Mayo.
Mas mataas rin ito sa 48.26 million na bilang ng employed noong Mayo ng 2023.
Malaki rin ang ibinaba sa underemployment rate o bilang ng mga manggagawang hindi napapasweldo ng sapat at nasa trabahong hindi angkop sa kanilang kakayahan.
Naitala ito sa 9.9% nitong Mayo mula sa 14.6% noong Abril.
Samantala, iniulat din ng PSA ang 4.1% unemployment rate o katumbas ng 2.11 milyong Pilipino na walang trabaho noong Mayo.
Bahagyang mas mataas ito sa 4% na unemployment rate noong Abril gayunman, mababa ito kung ikukumpara sa 4.3% na naitala ng kaparehong buwan noong 2023.
Kabilang naman sa mga sektor na may malaking pagtaas sa employment rate ang construction, admin at support service activities, manufacturing, transportation at storage, pati ang public administration at defense. | ulat ni Merry Ann Bastasa