Sinabi ni Finance Secretary Ralph Recto na handa siyang irekomenda kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipasara ang lahat ng operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa bansa.
Ito ang inihayag ni Recto sa harap ng mga economic journalist sa sideline ng economic briefing na ginanap sa Maynila.
Ang sinabi ng finance chief ay sinuportahan naman ng ilang mga senador.
Ayon kay Recto, kung maayos lamang ang pagbabayad ng buwis ng lahat ng POGO ay wala sanang problema ngunit dahil na rin sa mga kaliwa’t kanang issue ng POGO, mas mainam na matigil na ang operasyon ng mga ito.
Nilinaw rin ng kalihim na hindi naman siya laban sa POGO bilang isang negosyo ngunit dahil sa mga iligal na aktibidad ng POGO katulad ng nangyari sa Bamban, Tarlac at Porac Pampanga, naging masama na ang tingin sa POGO.
Gaya ng kanyang predecessor, si dating Finance Secretary Benjamin Diokno ay paulit-ulit din ang naging panawagan na i-ban ang POGO dahil sa ilang bansa gaya ng China at Cambodia ay hindi na ito pinapapayagan na mag-operate. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes