Tiniyak ni Finance Secretary Ralph Recto na patuloy pa ring makakatanggap ng mga benepisyo ang mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ang pahayag na ito ni Recto ay kasabay ng paglilinaw sa ilang kwestiyon tungkol sa ginawang pagkolekta ng Department of Finance (DOF) sa P89.9 billion na unutilized o hindi nagamit na pondo ng PhilHealth.
Nilinaw ng DOF na ang kinolektang pondo ay ang subsidiyang ibinibigay ng pamahalaan sa philhealth, na nakapaloob sa national budget, pero hindi nagamit sa nakalipas na mga taon.
ayon kay recto, may 500 billion pesos pa sa benefit chest fund ng philhealth at ayon mismo sa PhilHealth ay labis-labis at kasya ito sa mga bayarin para sa multi-year claims.
Patuloy rin aniyang tatanggap ng subsidiya ang PhilHealth mula sa gobyerno at walang kaltas sa mga benepisyong matatanggap.
Katunayan, binanggit pa aniya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) na tataasan pa ang mga benepisyo ng PhilHealth para sa mga outpatient, may mga malulubhang karamdaman at mga batang may kapansanan.
Binigyang diin rin ni Recto na hindi one-time big time ang gagawing pagkuha sa P89.9 billion na unutilized fund ng PhilHealth.
Nirerespeto aniya nila ang cash management operations ng PhilHealth kaya mayroon silang remittance schedule. | ulat ni Nimfa Asuncion