Arestado sa Dipolog Airport ang isang foreign male passenger at kasalukuyang naka detain matapos ang isang bomb joke.
Ayon sa report na natanggap ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Area Center 9, ang bomb joke incident ay nangyari mag aalas-6 ng umaga kanina kung saan sinabi ito ng isang male passenger sa kanyang asawa.
Nakatakda sanang lumipad ang dalawa sakay ng flight PR 2558 papuntang Maynila.
Ayon sa report, nang tanungin ang pasahero tungkol sa kanyang mga gamit sa kanyang check-in baggage unang sinabi nito na “No! Just Atomic Bomb,” bago sinambit ang paglilinaw na nagbibiro lamang ito.
Dito na nilapitan ng mga airline staff ang mga security para i-report ang insidente at bilang bahagi na rin ng kanilang pag-iingat.
Nang muling tanungin ng otoridad ang nasabing foreign national ay dito na ito sumagot ng ‘it contained personal items only’ kasabay ng paghingi ng paumanhin.
Bunsod ng insidente ay hindi na natuloy pang makalipad ang mag-asawa at pawang dinala sa kustodiya ng mga kapulisan kung saan sasampahan ito ng kaukulang kaso. | ulat ni Lorenz Tanjoco