Posibleng hindi na makatakbo pa para sa 2025 Mid-Term Elections sina ACT Partylist Representative France Castro at dating Bayan Muna Representative Satur Ocampo.
Ito, ayon sa Department of Justice (DOJ), ay dahil sa naging hatol ng korte laban kina Castro, Ocampo, at 11 iba pa dahil sa kasong Child Abuse and Exploitation.
Sa pulong-balitaan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa Kampo Aguinaldo kahapon, sinabi ni DOJ Spokesperson, Assistant Secretary Mico Clavano na malinaw ang isinasaad ng Omnibus Election Code laban sa sinumang nahatulan ng korte.
Nakasaad kasi sa nasabing batas na sinumang mahatulan sa anumang uri ng kaso ay diskuwalipikado nang humawak ng alinmang posisyon sa pamahalaan lalo na kung ang kaso ay may kinalaman sa tinatawag na “morale turpitude.”
Sa usapin naman ng piyansa, sinabi ni Clavano na malaki ang posibilidad na hindi pagbigyan ang hirit ni Castro dahil na rin sa malakas ang ebidensyang nagdiriin sa kaniya rito.
Nag-ugat ang kaso sa iligal na pagtangay ng mga akusado sa mga menor de edad sa Talaingod, Davao del Note noong 2018 para isailalim sa indoktrinasyon sa kilusang komunista subalit pinalabas na ito’y isang rescue mission ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP). | ulat ni Jaymark Dagala