Ginamit ng pamahalaan ang halos P1 bilyong pondo sa ilalim ng Aksyon Fund ng Department of Migrant Workers (DMW), upang alalayan ang mga distressed OFW sa kinahaharap na labor at legal case.
Sa Pre SONA briefing, sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac nasa 43,000 na OFWs ang may labor-related cases.
Nasa 9,400 naman ang may court cases, o iyong mga inihaing reklamo laban sa kanilang employer na hindi nagpapasweldo ng tama o nang-aabuso.
Kabilang na rin dito ang mga kaso kung saan sila naman ang hinainan ng reklamo ng kanilang employer.
Sabi ng kalihim, pinapaigting pa nila ang programang ito at pinag-aaralan na nila ang mga maaari pang gawin upang mapadali ang paglalabas ng pondo, at mas maraming OFW ang matulungan.
Para ngayong 2024, nasa P2.8 billion ang inilaan ng pamahalaan para sa Aksyon Fund. | ulat ni Racquel Bayan