Malugod na tinanggap ng Philippine Army ang hatol ng korte na “Guilty” sa kasong child trafficking kay dating Bayan Muna Partylist Representative Satur Ocampo, Act Teachers Party-list Representative France Castro, at 11 iba pang kapwa-akusado.
Sa isang statement, sinabi ni Philippine Army Spokesperson Col. Louie Dema-ala na nabigyan ng desisyon ng hustisya ang mga katutubong bata ng Talaingod at iba pang kabataan na biktima ng manipulasyon ng mga akusado.
Ang kaso ay nag-ugat sa iligal na pagtangay ng mga akusado sa 14 na batang katutubo sa Talaingod, Davao del Norte na pinalabas na bahagi ng “rescue mission”.
Ayon kay Dema-ala ang conviction ng mga akusado ay nagsisilbing malakas na mensahe sa mga magtatangkang ilagay sa peligro ang buhay ng kabataan sa pamamagitan ng pag-expose sa mga ito sa mapanganib na idolohiya.
Tiniyak ni Dema-ala na determinado ang Philippine Army na pangalagaan ang kapakanan ng mga Pilipino, partikular ang mga kabilang sa bulnerableng sektor na target ng mga mapanlinlang na paniniwala. | ulat ni Leo Sarne